Journalismong Tagalog sa Renacimiento Filipino (1910-1913): Pagbibinhi ng Makabayang Sanaysay sa Panitikan ng Pilipinas
Article

Ang journalismong Tagalog sa pahayagang Renacimiento Filipino (1910-1913) ay maituturing na isa sa mga panimulang pagpupunla ng makabayang sanaysay sa panitikan ng Pilipinas. Ang dalawampu’t walong sanaysay nina Francisco Laksamana, Faustino Aguilar, Carlos Ronquillo, Precioso Palma, Julian C. Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, Dionisio S. Agustin at iba pang sinuri sa pag-aaral ay kumakatawan sa saloobin ng mga mamamayan sa pagbubuwag ng mga moog ng mga baluktot na kamalayang pinamayani kapwa ng katatapos na pananakop ng mga Español at ng nanghihimasok na mga Amerikano.

May apat na pananaw na tinukoy ang pag-aaral na siyang binatikos ng mga sanaysay sa Renacimiento Filipino. Ang una ay tungkol sa mga bagay o pangyayaring itinalaga raw ng Diyos. Ang ikalawa ay ang sadya raw na hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao. Ikatlo ay ang likas raw na katamaran ng mga Filipino na siyang isa sa mga sanhi ng kahirapan ng mga mamamayan. At ikaapat ay ang pagtanggap ng mga Filipino na ang Estados Unidos ang tagapagligtas ng Pilipinas.