Tablay at Banua ng mga Kabataang Tagbanua Calamianen sa Hilagang Palawan: Mga Tablay ng Banua, mga Pagbabanua ng Tablay
Article
Ang pag-aaral na ito ay tungkol sa panitikang pabigkas ng mga kabataang Tagbanua Calamianen sa Taytay, Palawan. Tinatawag nila itong tablay. Kinikilala ito ng pag-aaral bilang isang kontemporaneong anyo ng komunikasyon na tumatalakay sa mga nakaraan at makabagong penomenong kinakaharap nila bilang isang grupo. Umiigting ang kabuluhan ng tablay sa gitna ng mga diskursong pangkaunlaran na lumalabas sa media at sa mga patakaran at proyekto ng gobyerno at mga pribadong kompanyang may interes sa katubigang ginagamit ng mga Tagbanua Calamianen.
Ang tablay ay isa ring gawaing panlipunan, na ang ibig sabihin ay paglalakbay sa mga lugar o banua na saklaw ng kanilang pamumuhay. Tumatayo itong testamento sa paggigiit ng kanilang karapatan sa karagatan na inaagaw o inaangkin ng gobyerno at mga pribadong kompanya.