Si Kris Aquino at ang/bilang Genre ng Lagim sa Filipinas
Abstract
Sa papel na ito tinutuklas ang pagiging nakapagsasariling genre ni/ng textong Kris Aquino, sa konteksto ng kaniyang pagiging “Philippine Box Office Horror Queen.” Habang naglalatag ng ilang masusing argumento hinggil sa tekstuwalidad ni Aquino, sabay ding isinisiwalat ang kasaysayan ng pagpepelikula niya, na nagtatampok na nga ngayon sa kaniya bilang reyna ng genre na tatawagin ng awtor na mga “pelikula ng lagim” sa Filipinas. Gagamitin ang kasaysayang ito bilang kapanabay na salaysay sa pagbubuo ng masusing pagdalumat sa mga konsepto ng genre, lagim, at ng pelikula ng lagim. Estratehikong pinaglalaruan ng awtor ang mga ito at pinaiigting ang mga kahulugan, habang inilalantad ang mga nakatago at mayamang diskurso ni/hinggil kay Aquino bilang “genre” na naglulunsad ng kaniyang sarili bilang “kultura na mismo ng kasarian, at ng kasarian,” na itinampok sa dalawang prangkisa ng Feng Shui (2004, 2014) kung saan siya ang bida. Samantalang sinasabing inilulugar ng pelikula ang pagpasok ng Filipinas sa larang ng Asian Horror Films, ang mga pelikula ring ito ang nagtatanghal kay Aquino bilang isang texto na naghuhunos “patungong pagiging (ganap na) genre.”