Pagmamapa ng Pagbabagong Heograpikal, Historikal at Kultural ng Quiapo
Abstract
Tinatalakay sa sanaysay na ito ang historikal at heograpikal na pagbabago sa Quiapo, gamit ang pantubig na halamang “kiyapo” bilang metapor. Ang huli ay tumutulong magpakahulugan at magpakita ng sitwasyon sa Quiapo na noon ay sentro ng negosyo at kultura at ngayon ay tirahan na ng mga nasa impormal na sektor tulad ng mga nagbebenta ng mga pinirata o kinopyang pelikula at musika. Sinusuri ng sanaysay na ito kung paanong ang isang lugar sa loob ng isang malaking lungsod ay tila hiwalay na sa buong kalunsuran, pati na rin ang pagmamapa ng teritoryo ng mga nakatira rito. Ginagamit ng sanaysay na ito bilang kultural na teksto ang mga negosyante at mga aktibidad at proseso na nakapaloob sa pamimirata ng pelikula at musika.