NEPA at Kababaihan: Pag-aaral sa Ugnayan ng Pagsasakatawan ng Kasarian, Pagganap, at Pagtanggap ng Isang Identidad

Abstract

Makikita sa kasaysayang kolonyal ng ating bansa ang pagsasantabi, pagsasagilid, at diskriminasyon ng kababaihan. Sa pagdating ng mga Espanyol, pinalitan ng mga pari ang mga babaylan at ikinulong ang kababaihan sa bahay at sa simbahan. Sa pagdating naman ng mga Amerikano pinagharian ng mga lalaki ang mundo ng politika, kalakalan, at lakas paggawa. Sa pagyakap ng patriyarkiya, sabay na ikinahon ang imahe ng kababaihan sa kusina, sa bahay, at sa pamilya. Kapansin-pansin ang pagkakahong ito sa iba’t ibang materyales pangkalinangan sa Pilipinas tulad ng mga patalastas, polyeto, pahayagan, at iba pa.

Sa pag-aaral na ito, susuriin ang National Economic Protectionism Association o NEPA at mga materyales pangkalinangan nito noong dekada ng 1930. Gamit ang struktura ng samahan at tekstong media nito, ipakikita kung papaano nila isinakatawan ang gampanin ng kababaihan noong 1934 hanggang 1941. Gagaygayin ang pagsalin ng mga pagsasakatawang ito sa kanila mismong ginanapan at maaaring tinanggap na identidad. Ipaliliwanag din kung bakit sa panahon ng pag-usbong ng aktibismo sa hanay ng kababaihan, tila may ilang yumakap at tumanggap sa naturang pagsasakatawan sa kanila.