Matang Turista sa Pelikulang Pilipino

Abstract

Nakalilikha ng panibagong pagpapahalaga sa pagtanaw ng lokal at dayuhang espasyo ang kasalukuyang pagbuo ng kultura ng turismo sa bansa. Higit na tinitignan ang dayuhang espasyo bilang lunan ng panlipunang pagbabago kung itatambis sa lokal na espasyo na maaaring magsilbing paliwanag ng pag-asang nakikita ng mga Filipino sa kanilang pangingibang-bansa. Gagamitin ang dalawang pelikula ni Olivia Lamasan — Sana Maulit Muli at Milan — upang magsilbing ilustrasyon kung paano nasasalamin sa kontemproaryong biswal na midya ang ganitong epekto ng kultura ng turismo sa bansa. Sa pamamagitan ng pag-aaral sa sinematograpiya at mise-en-scene, ipaliliwanag kung paano nagiging turista rin ang manonood na Filipino sa kanilang pagkonsumo sa pelikula. Kung kaya, nagiging mapanlinlang ang pagtanaw sa dayuhang espasyo bilang lunan ng panlipunang pagbabago dahil istatiko ang nagiging paglalarawan nito.