Ang Pagbebenta sa Imahen ng Kalalakihan sa mga Piling Tindahang Pandamit sa Pilipinas
Abstract
Ang konsepto ng espasyo bilang isang “neutral” na konsepto ay kasalukuyan nang napupuna bilang isang pagtatakip sa mga kakaibang gawain ng mga gumagalaw na mga aktor nito, ang taong bayan. Ayon sa makabagong pagtingin, ang espasyo ay isang aktibong lugar na ginagalawan ng ahensiyang panlipunan at pang-indibidwal, na ang resulta nito ay nagiging “multifunctional” ang pagturing sa espasyo. Sa konteksto ng kasalukuyang panahon, na ang pampublikong espasyo ng mga Filipino ay napapaloob sa urbanisasyon, at sa kinasasangkutan na sistemang pangkapitalismo, na nag-uugnay sa mga katawan ng manggagawa at produktong pangkonsumerismo bilang isang komprehensibong materyal at sekswal na pangangalakal. Tinitingnan ng papel na ito ang penomena ng “pagbenta” ng imahen ng pagkalalaki sa mga piling tindahan ng pananamit katulad ng Bench, Folded & Hung, at Penshoppe kung saan ang espasyong pambenta ay nagiging potensiyal na pook kung saan ang katawan ng lalaki ay nagiging produkto mismo ng konsumerismo sa makabagong palengke ng globalisasyon, ang shopping mall. Gamit ang teoryang kritikal at politikal na ekonomiya, sinusuri ng pag-aaral ang relasyon ng materyal na pamumuhay sa kalunsuran sa panahon ng globalismo, ang ginagampanan ng manggagawa bilang sabay na consumer at produkto, at ang papel ng pagnanais bilang aktibong mekanismo sa paglunsad ng biswal at sekswal na ekonomiya sa huling yugto ng kapitalismo. Isa ring nais ilunsad sa papel na ito ay ang paglalarawan ng isang teorya ng pagkonsumo na maaaring iugnay sa teorya ng produksiyon ni Marx, upang makalikha ng mas komprehensibong panukat ng epekto ng materyal na pamumuhay sa lipunan at buhay ng tao.